(from the email of Ampa2)
Isda! Isda!. Madalas maririnig mo ito noon sa madaling araw sa ating bayan. Tulad noon, marami pa rin sa ating kababayan ay pangingisda ang ikinabubuhay. Kumpara noon, ang nahuhuli ngayon ay mas kaunti at maliit tulad ng alimango na fry o maliliit ang karaniwang nahuhuli. Pero, tulad noon, marami pa rin sa ating kababayan ay umaasa sa anumang ibigay ng kalikasan dahil marahil sa kahirapan at hindi mapaunlad na aquaculture kahit sinasabing maganda ang potensyal sa ating bayan.
Karamihan pa rin sa ating kababayan ay gumagamit ng hukot tulad ng panke, sapyaw, ambit, sagkad, bayakos, sada, agahid. Ang iba naman ay gumagamit ng paen bukod sa iba pang gamit gaya ng bintor at bobo. Kasama din dito ang banwit na puwedeng painan ng uod. Nandiyan din ang paggamit ng pana. Mayroon din diretsong panghuli o pagguma gaya sa paghuli ng tuway, alimango at ibang isda.
Isa pang pamamaraan na ginagamit pa rin sa ating bayan pero hindi na gaano ay ang paggamit ng ilaw. Karaniwan pag natutukan ng ilaw ang isda ito ay napapatigil o kaya lumalapit sa pinakamaliwanag. Isang pamaraan ay Pangingilaw. Ang dating ginagamit ay petromax na nilalagyan ng kerosene. Sa ngayon, ang ginagamit ay flashlight na may rechargeable battery. Sa tabi ng ilog, sapa o dagat ito ginagamit at bukod sa ilaw ay dapat may dala din ng agahid, pana o salapang. Ang ibang magagaling ay dinadakma na lang ang isda. Mga isdang mahilig pumunta sa tabi o mababaw na parte ng ilog o dagat ang nahuhuli dito. Isa pang pamamaraan ay Bigtaw. Dito ang ilawan ay gawa sa tuyong parte ng niyog na hinihiwalay ng manipis saka tinatali. Ang ginagamit na sima na gawa sa hukot ay pormang bilogin. Sa malalim na lugar ang pagbibigtaw kaya’t sumasakay sa maliit na banca at karaniwang dalawa ang magkasama. Ang isa ay tagasagwan at ang isa ay nanghuhuli kung saan ang isang kamay hawak ang ilawan at sa isang kamay hawak ang bigtaw o yong panghuli. Kailangan dito ang bilis ng kamay sapagkat ang isda ay umaalis din pag may nakitang gumagalaw. Sinasabing masarap ang nahuhuli sa bigtaw dahil ang isda (karaniwang baranak) ay hindi gaanong lamog. Ang isa pang panghuli ay ang Biday. Ito ay ginagamit sa tabi ng ilog na inaabot ng kati at sa buwan o panahon na kung saan ang hipon ay marami sa ilog. Dito ginagamit ay maliit na ilawan na nakalagay sa gitna ng hukot. Ang hukot ay karaniwang gawa sa lumang moskitero. Ang hukot ay pinopormang bahay bahayan na walang bubong at ang pasukan ay taliwas sa agos ng tubig. Ang nahuhuli dito ay alamang o hipon kung tawagin sa atin na lumalangoy taliwas sa agos ng tubig papunta sa may liwanag.
Ang pangingisda kung saan ilaw ang pangunahing gamit ay karaniwang ginagamit sa gabing madilim na walang buwan. Sa ganitong gabing madilim, tulad ng tao, ang isda man ay lumalapit dahil sa anyaya ng liwanag o kaya ay nasisilaw o namamangha din at hindi makagalaw dahil sa luningning ng ilaw.
cim